Sec. Diokno, sasampahan ng kaso ng Kamara

Manila, Philippines – Plano ng Kamara na sampahan na lamang ng kaso si Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ayon kay Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr., sa halip na i-cite in contempt at obligahin si Diokno na humarap sa congressional inquiry, napagdesisyunan na hainan ng kaso ang Kalihim.

Ang paghahanda sa mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban kay Diokno ay ililipat na sa House Committee on Public Account na pinamumunuan naman ni Minority Leader Danilo Suarez.


Malinaw aniya na nagkaroon ng ‘conflict of interest’ nang paburan ni Diokno at buhusan ng flood control projects ang Aremar Construction na pagmamay-ari ng mga balae ng kalihim.

Giit ni Andaya, malinaw na kaso itong maituturing dahil nakinabang ang anak ni Diokno sa ilalim ng Aremar Construction.

Kinukuha na aniya ni Suarez ang mga nakalap na dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa Office of the Ombudsman.

Kahit nakabakasyon ang Kamara ay itutuloy naman ng komite ni Suarez ang imbestigasyon tungkol pa rin sa P75 Billion budget insertion ng DBM sa DPWH.

Facebook Comments