Sec. Duque, umapela sa Kamara na kailangan ng batas para mabigyan din ng allowance ang iba pang health workers

Umapela si Health Secretary Francisco Duque III sa Kongreso na makabuo ng isang batas na nakasaad na lahat ng mga nagtatrabaho sa medical facilities ay dapat na makatanggap ng Special Risk Allowance (SRA) ngayong may COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng Committee on Health sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) sa 2022, iginiit ni Duque na pareho sa sentimyento ng marami ay gusto rin nilang mas marami pang health workers ang makatanggap ng SRA.

Pero nalilimitahan ang pagkakaloob ng nasabing allowance para sa lahat ng health care workers dahil ang nakasaad lamang sa Bayanihan 2 ay mga health care workers na may direct contact lamang sa COVID-19 patients ang makakatanggap ng special risk allowance.


Sinang-ayunan naman ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., ang panawagan ni Duque na paglikha ng isang batas na malinaw na nakasaad na lahat ng mga medical frontliners ay mabigyan ng SRA.

Aniya, ang mga medical technologists, janitors at iba pang kawani sa mga medical facilities ay karapat-dapat ding mabigyan ng SRA dahil maging sila ay lantad sa panganib ng COVID-19 sa mga ospital.

Doble aniyang pahirap sa mga empleyado ng mga health facilities na matagal pang pinag-iisipan kung bibigyan ba o hindi ang mga ito ng nasabing benepisyo.

Facebook Comments