Manila, Philippines – Ayaw na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mapalawig pa ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Paliwanag ng kalihim masyado nang matagal ang batas militar sa Mindanao.
Mas maigi aniyang tapusin na ito para maituon sa iba pa ang kanilang trabaho partikular ang pagpupursige sa Senado at Kongreso na maipasa ang Human Security Act.
Naniniwala ang kalihim na kapag naipasa ang Human Security Act ay mas epektibo ito sa martial law.
Sa kabila na gusto ng kalihim na wala nang extension sa martial law sa Mindanao, nakadepende naman daw sa rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) kung may extension o wala ang umiiral na martial law.
Ang martial law sa Mindanao ay magtatapos na sa December 31, 2019, na ideneklara ng gobyerno noong 2017 matapos masakop ng Maute terrorist group ang Marawi City.