Second round ng “Bayanihan, Bakunahan” sa mga lugar na dinaanan ng bagyo, ipinagpatuloy na

Ipinagpatuloy na ng karamihan sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Odette ang second round ng National Vaccination Drive.

Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, karamihan sa mga lugar na mayroon nang kuryente o may tumatakbong generator ang nag-umpisa na ng bakunahan kaninang umaga.

Gayunman, hindi pa tiyak kung maipagpapatuloy ang bakunahan sa Central Visayas na isa sa pinakasinalanta ng bagyo.


Habang nag-abiso na ang ilang lugar sa Western Visayas at dalawa sa CARAGA na hindi muna itutuloy ang pagbabakuna dahil sa naging epekto ng Bagyong Odette.

Samantala, ayon kay Cabotaje, diskarte na ng mga lokal na pamahalaan kung magsasagawa sila ng bakunahan sa mga evacuation center.

Aniya, mananatili ang target na 54 million fully vaccinated individuals ng pamahalaan bago matapos ang 2021 sa kabila ng naging epekto ng bagyo.

Matatandaang, iniurong sa December 20 hanggang 22 ang pagbabakuna sa Bicol Region, Mimaropa, Visayas at Mindanao dahil sa bagyo.

Nasa halos 2.5-million naman ang nabakunahan sa natuloy na second round ng national vaccination drive sa ilang rehiyon sa bansa noong December 15 hanggang 17.

Facebook Comments