Naniniwala si Albay First District Representative Edcel Lagman na hindi kailangang magbitiw si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Diin ni Lagman, ito ay kung hindi makikialam si Remulla imbestigasyon, paglilitis at paghatol sa kanyang anak na inaresto dahil sa ilegal na droga.
Paliwanag ni Lagman, hindi natin mapipili kung sino ang ating kapamilya o kamag-anak.
Pero giit ni Lagman, maari nating piliin kung makikialam tayo o hindi sa kaso ng ating kaanak na lumabag sa batas.
Sabi ni Lagman, dapat tuparin ni Remulla ang kanyang sinabi na hahayaan niyang gumulong ang proseso ng hustisya kaugnay sa kaso ng kanyang anak.
Gayunpaman, nais ni Lagman na marinig ang paliwanag ng pamilya Remulla kung bakit inabot ng dalawang araw bago isinapubliko ang pag-aresto at pagkulong sa anak ng kalihim.