Naglabas ng abiso ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko hinggil sa hindi otorisadong pagso-solicit sa investment ng kompaniyang Lokal.Plate Corp. o mas kilala bilang Lokal Plate.
Ayon sa SEC, may ilang indibidwal o grupo na pinamumunuan ng isang Brian Co, ang nagpapakilalang kinatawan sila ng Lokalplate at nanghihikayat sila sa publiko na mag-invest ng pera sa kanilang negosyo.
Nabatid na ang grupong ito ay nag-aalok sa publiko ng investment scheme sa pamamagitan ng franchising.
Base pa sa SEC, pinag-iinvest ng grupo ang kanilang target na biktima ng P12,888 kung saan maaari daw silang kumita ng P40,000 hanggang P80,000 kada buwan.
Kinakailangan lamang na i-share ng mga ito ang link para makapag-order ang isang indibidwal mula sa affiliated food service provider ng Lokalplate.
Bukod dito, ang isang kumuha ng franchise ay makakakuha pa ng dagdag na komisyon sakaling makapag-recruit sila ng iba pa.
Iginiit naman ng SEC na bagama’t rehistrado sa kanila ang kompaniya, hindi naman ito otorisadong mag-solocit ng investment.
Binalaan rin ng SEC ang sinumang tatayo o magpapakilala bilang salesmen, brokers, dealers o ahente ay mahaharap sila sa kaukulang kaso.