Security Guard at dating Kongresista sa Cagayan, Nagpositibo sa COVID-19

*Cauayan City, Isabela*- Pumalo na sa tatlo ang nagpositibo sa corona virus disease o COVID-19 sa buong Lambak ng Cagayan.

Ito ay matapos kumpirmahan ng Department of Health Region 2 sa ginawang Press Briefing ngayong umaga.

Ayon sa DOH, ang dalawang naidagdag na pasyente ay sina (PH661), 39 anyos at isang Security Guard sa Bonifacio Global City sa Taguig na tubong Bayan ng Tuao habang ang dating Kongresista ng unang distrito ng Cagayan na si Ramon Nolasco (PH662) ay 70 anyos, at tubong Gattaran sa Lalawigan ng Cagayan.


Batay sa report ng ahensya, si PH661 ay sinundo ang kanyang asawa mula sa bansang Hongkong at bumiyahe nito lamang March 14 pauwi ng Cagayan sakay ng Florida Bus GD73 at kabilang sa seat no.35-36 hanggang sa dumating sa probinsya ng March 15.

Sumakay din ang mag-asawa sa isang pampasaherong jeep na patungong Bayan ng Faire, Cagayan at bumaba sa isang barangay sa bayan ng Tuao, Cagayan.

Nakaramdam ng pag uubo si PH661 noong March 17 kaya’t agad itong nagpakonsulta sa doktor hanggang sa ipinasakamay ito sa Regional Epidemiological Surveillance Team at dinala sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Isinailalim din sa pagsusuri ang nasabing Security Guard hanggang sa kinumpirma na nagpositibo ito kahapon, March 25,2020.

Nananawagan naman si Dr. Glenn Matthew Baggao, Medical Chief ng CVMC sa mga pasahero ng Florida GD73 na nakasabayan ni PH661 na makipagtulungan at makipag ugnayan sa DOH REGION 2 para sa contact tracing.

Facebook Comments