Seguridad sa kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan sa Maynila, kasado na

All set na ang seguridad na ipapatupad sa kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan sa Maynila ngayong Sabado at Linggo.

Ayon kay Manila Police District Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, hindi nila papapasukin sa simbahan ang mga kabataang edad 15 pababa at matatandang may edad 65 pataas dahil sa banta ng COVID-19.

Magkakaroon din aniya ng bag inspection at kailangang magsuot ng face mask at face shield ang dadalo sa pagdiriwang.


Hinihikayat din ang mga deboto na panatilihin lagi ang physical distancing o manatili na lang sa kanilang bahay para hindi na mahawaan pa ng virus.

Sinabi naman nina Fr. Estelito Villegas ng Sto. Niño de Tondo na handa silang kanselahin ang mga misa sa kapistahan kung magkakaroon ng kaguluhan sa hanay ng mga deboto o may matinding paglabag sa health protocols.

Una nang napagdesisyunan na gawing 11 mula 33 na lamang ang misa sa Sto. Niño de Tondo Church at 300 tao lamang ang maaaring papasukin sa loob ng simbahan mula sa kapasidad nito na 2,000.

Sa Sto. Niño de Pandacan Parish, siyam na misa na lamang ang gagawin mula sa dating 15 habang 150 lamang ang lalamanin ng simbahan mula sa dating 700 kapasidad.

Facebook Comments