Iginiit ng mga senador na dapat munang maging handa ang sektor ng agrikultura bago tuluyang ratipikahan ng Senado ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Ayon kay Senator Nancy Binay, pinakamahalagang malaman ngayon ay kung gaano kahanda ang bansa para sa nasabing free trade treaty.
Bago aniya tuluyang pumasok sa kasunduan ay importanteng may mga kongkretong programa at nakahandang subsidiya lalo na sa agrikultura at production sector na siyang direktang maaapektuhan ng RCEP.
Giit pa ni Binay, hindi ito dapat madaliin at mahalagang mapakinggan ang mga contentious issue ng ilang essential sector partikular na sa mga magsasaka.
Iminungkahi naman ni Senator Grace Poe na buhusan ng pondo ng Department of Agriculture (DA) ang ating mga magsasaka para makapagkumpitensya sila sa mga produktong ini-import at ie-export.
Hiniling ni Poe ang pagkakaroon ng sapat na cold storage facilities upang sa gayon ang mga maliliit na magsasaka ay maibebenta ang kanilang mga produkto na hindi nabubulok.