
Para kay House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, isang magandang senyales ang naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pagbaba sa 3.1 percent ng unemployment rate noong December 2024 o katumbas ng 1.63 milyon na mga Pilipinong walang trabaho.
Ayon kay Salceda, malaking ambag dito ang nasa 920,000 na mga dagdag na trabaho sa sektor ng transportation at construction na nagpapakita rin ng patuloy na pag-unlad ng ekonomiya.
Gayunpaman, iginiit ni Salceda na kailangan pa ring tutukan ang sektor ng agrikultura kung saan marami ang nawawalan ng trabaho dahil sa paglipat sa mga seasonal na trabaho tulad ng habal-habal, construction workers at iba pa.
Tinukoy rin ni Salceda ang pagbaba sa P20 kada kilo ng farmgate price ng palay at ang tapyas sa taripa sa imported na bigas.
Bunsod nito ay iminungkahi ni Salceda sa Department of Agriculture na maglatag ng kongkretong plano para maka-ambag sa pag-unlad ng bansa at makapagbigay ng maaasahang trabaho.