Tanggal sa trabaho ang isang guwardiya matapos ipukol sa pader ang 6-anyos na babaeng estudyante sa elementary school sa Ohio, USA.
Nadiksubre ng nanay na si Keshia Wilkins ang insidente nang magsimulang sumuka ang estudynateng si Kaeyona sa loob ng sasakyan habang pauwi, batay sa ulat ng WJW nitong Pebrero 11.
Sinabi ng bata na sumasakit ang kanyang tiyan dahil inihagis siya ng guwardiya sa pader.
Dinala si Kaeyona sa ospital kung saan nakita ng doktor ang mga pasa ng bata sa mga braso at tiyan
Sa pahayag ng Canton City School District, umamin umano ang sekyu na dinampot at bnuhat ang bata, pero pinipigilan niya lamang daw ito na tumakbo palabas.
Hindi naman naniwala rito ang nanay na nagsabing papunta sa gym si Kaeyona noong lunch break kasama ang mga kaibigan nang mangyari ang insidente.
Batay naman sa salaysay ng ilang saksing empleyado, sinisigawan at agresibo raw ang sekyu sa estudyante, dahilan ng pagkakaroon ng pamumula sa katawan at panginginig ng bata sa takot.
Sinisante ng school district business manager ang naturang sekyu at binigyan ng kaukulang parusa, habang desidido rin na magsampa ng kaso ang pamilya Wilkins.