*Cauayan City, Isabela- *Kanselado ang selebrasyon ng ikalawang anibersaryo ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion ngayong araw ng Biyernes, April 4, 2020 kasabay ng pagdiriwang ng Semana Santa ngayong buwan dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) Pandemic.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Col. Gladiuz Calilan, pinuno ng 95th IB ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi nito na prayoridad ng kanyang hanay na tumulong sa pagbabantay at paglaban sa pagkalat ng COVID-19.
Abala aniya ang kanyang pamunuan sa pakikipagtulungan sa mga pulis na nagsasagawa ng quarantine checkpoints, pagtulong sa pag-repack at pamimigay ng mga relief goods sa mga barangay at pag-asiste sa mga mamamayan na nangangailangan ng tulong.
Giit ni Col Calilan, posible aniya na wala nang magaganap na selebrasyon sa mga susunod na buwan sakaling humupa na ang COVID-19 pandemic dahil mas importante pa rin aniya ang kanilang pagbibigay serbisyo sa publiko.
Kaugnay nito, kasalukuyan pa rin aniya na naka-deploy ang kanyang tropa sa mga liblib na lugar o may presensya ng makakaliwang grupo upang mabantayan ang mga residente at mapigilan ang anumang masamang binabalak ng mga New People’s Army (NPA).