Self-confessed gunman na si Joel Escorial, may mga ibinunyag pang mga pangalan na sangkot sa pagpaslang kay Percy Lapid

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na marami pang mga pangalan ang lumalabas bilang suspek sa pagpaslang sa beteranong radio broadcaster na si Percy Lapid, habang patuloy ang pag-amin ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director at Special Investigation Task Group (SITG) Commander Police Brigadier General Kirby John Brion Kraft, naisumite na nila ang supplemental affidavit sa Prosecutor’s Office kaugnay ng mga bagong rebelasyon na ginawa ni Escorial.

Dagdag pa ni Kraft, nagsumite na rin sila ng karagdagang extrajudicial confessions, kung saan may mga binanggit na ibang tao si Escorial at kanila itong iimbestigahan.


Sinabi pa ni Kraft na ang mga bagong pangalan na binanggit ni Escorial ay malaking tulong sa kanilang pagsisikap na matukoy ang utak sa likod ng pagpatay kay Lapid.

Una nang inihayag ni Kraft na nakikipag-ugnayan na sila sa New Bilibid Prison (NBP) para makuha ang tatlo pang preso na pinangalanan ng kapatid na namatay na middleman na si Jun Villamor.

Samantala, kinumpirma rin ni Senator Risa Hontiveros na nai-turn over na sa PNP ang mga kopya at screenshot ng mga komunikasyong ginawa ng mga hindi kilalang tao na nagsasangkot kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Facebook Comments