Manila, Philippines – Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na handa ang lahat ng kanilang mga tauhan ngayong Semana Santa laban sa mga anomang banta ng terorismo.
Sa briefing sa Malacanang ay sinabi ni NCRPO Spokesperson Police Superintendent Kim Molitas na hindi sila nagpapakakampante kaya pinaigting pa nila ang kanilang target hardening measures.
Pero nilinaw din naman ni Molitas na ngayon ay wala naman silang natatanggap na anomang banta ng terorismo sa Metro Manila.
Sa ngayon aniya ay nagpakalat sila ng mahigit 11 libong pulis sa buong NCR at kabilang dito ang mga unipormado at mga naka sibilyan na mga pulis upang mapaigting pa ang Intelligence gathering.
Bukod aniya sa mga pulis ay mayroon ding 400 sundalo at 25 libong force multipliers ang nagbabantay sa Kamaynilaan.