- Sisiguraduhin ng Ateneo Lady Eagles na sila pa rin ang mangunguna – elimination round man o finals.
- Babangon at gaganti ang FEU Lady Tamaraws sa pagkakalugmok nila sa finals ng Season 80.
- Buong lakas at puso pa rin ang ibibigay ng UST Growling Tigresses para sa pinapangarap na championship.
- Para sa DLSU Lady Spikers, nasa kanila pa rin ang huling halaklak at mapapasakamay ang inaasam na four-peat.
KAABANG-ABANG ang magiging laban sa women’s division ng UAAP Volleyball Season 81 semifinals round na magaganap bukas at sa Linggo.
Sa ikatlong pagkakataon, muling maghaharap ang Ateneo Lady Eagles na may hawak ng twice-to-beat-advantage at FEU Lady Tamaraws. Noong nakaraang taon, sinibak ng FEU ang Ateneo sa kanilang semifinals match ngunit umuwing luhaan nang panain ang Lady Tams ng Lady Spikers sa finals.
Samantala, tuluyan pumanig ang kapalaran sa UST Growling Tigresses nang sakmalin nila ang defending champion na DLSU Lady Spikers sa kanilang play-off match noong Miyerkules sa San Juan Arena. Nasunggaban ng mga tigre ang minimithi na twice-to-beat advantage.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 11 taon na hindi nakuha ng Lady Spikers ang twice-to-beat bonus. Kaya naman inaasahan na matinding sagupaan ang laro ng Manila-based teams sa Linggo.
Narito ang opisyal na schedule ng laban:
- Sabado, Mayo 4 (4:00PM) – Ateneo vs FEU
- Linggo, Mayo 5 (4:00PM) – La Salle vs UST
Mangyayari ang final four duel sa SM Mall of Asia Arena.