Sen. Bato dela Rosa, hindi dadalo sa imbestigasyon ng Kamara tungkol sa war on drugs ng dating Duterte administration

Hindi dadalo si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa imbestigasyon ng Kamara tungkol sa “war on drugs” ng nakaraang administrasyong Duterte.

Ayon kay dela Rosa, alinsunod na rin ito sa payo sa kaniya ni Senate President Chiz Escudero.

Sinabi ng senador na hiningan niya ng payo ang Senate President sa kung ano ang dapat na gawin at kung siya lang naman ay walang problema na harapin ang mga kongresista kahit anong oras.


Subalit kailangan niyang sundin ang gabay ng Senate President bilang miyembro ng institusyon na Senado.

Aniya pa, pinayuhan siya ni Escudero na hindi niya kailangang humarap sa imbestigasyon ng Kamara at kapag ginawa niya ito ay binabali niya na ang inter-parliamentary courtesy.

Sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na imbitasyon si Dela Rosa mula sa House Committee on Human Rights na nagsisiyasat ngayon sa mga alegasyon ng “extrajudicial killings” sa kampanya kontra iligal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan PNP Chief noon ang senador.

Facebook Comments