Pinangalanan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sina Speaker Martin Romualdez, Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, dating Senator Antonio Trillanes IV at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Ricardo de Leon na kumausap sa ilang dating Philippine National Police (PNP) officials para idiin siya at si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaso sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Dela Rosa na galing sa isang reliable source ang impormasyong nakarating sa kanya.
Kabilang aniya sa mga kinausap ng apat para himukin na idiin sila sa kaso sa ICC ay sina dating PNP Chief Oscar Albayalde, Major General Romeo Caramat na dating hepe ng PNP CIDG, dating National Police Commission Chief Edilberto Leonardo at dating PNP intelligence officer Eleazar Mata.
Tinukoy ni Dela Rosa sina Trillanes at De Leon na humikayat sa mga dating PNP official para gumawa ng affidavit at tumayong testigo laban sa kanila sa ICC.
Magkakahiwalay aniyang kinausap ang mga dating PNP officials at palaging naroon aniya sina Romualdez at Co.
Nagpapasalamat naman si Dela Rosa dahil hindi pumayag ang mga dating kasamahan sa PNP na gawin ang gusto nina Trillanes at Romualdez dahil batid ng mga opisyal na mali ito.
Naniniwala ang senador na politically motivated ang pagkilos para idiin sila sa ICC upang sa gayon ay mabura na sa landas ng pulitika ang mga Duterte at lahat ng mga kaalyado ng mga ito.