Nagharap na ngayong hapon sina Senator Ramon Bong Revilla Jr., at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations Chief Edison Bong Nebrija sa Senado matapos na pangalanan ng MMDA ang senador na lumabag umano sa pagdaan sa EDSA Busway.
Kasama ni Nebrija na nagtungo sa Senado si MMDA Chairperson Romando Artes para magpaliwanag at personal na ring humingi ng paumanhin sa senador.
Noong una ay may gigil pa si Revilla habang kinakausap si Nebrija dahil dinamdam ng senador ang hindi pag-verify sa kung sinuman ang gumamit sa kanyang pangalan na sakay ng convoy na naharang ng mga tauhan ng MMDA sa EDSA Busway.
Inako naman ni Nebrija ang pagkukulang at pagkakamali dahil bilang siya ang commander, responsibilidad niya ang kanyang mga tauhan kahit pa nagmula sa enforcer niya ang naturang report at aniya tao lamang din siya na nagkakamali.
Samantala, sinabi naman ni MMDA Chairperson Romando Artes na suspendido muna simula bukas si Nebrija sa loob ng 15 araw hanggang isang buwan habang gumugulong ang imbestigasyon sa nangyari.
Aminado si Artes na may mga paglabag sa parte ng MMDA dahil sa pag-leak ng pangalan ng senador na hindi naman verified, pagpapalusot ng enforcer sa sasakyan na dumaan sa busway kahit ipinagbabawal, at hindi pag-iisyu ng ticket sa nakalabag.
Sa huli ay humupa na rin ang galit ni Revilla at tinanggap na rin niya ang paghingi ng paumanhin ni Nebrija at nagkamayan din ang mga ito.
Sinabi pa ni Revilla na hindi na niya ipare-recall ang budget ng MMDA sa 2024 dahil hindi naman kasalanan ng buong institusyon ang nagawa lang ng iisa.