Nanindigan si Senate Committee on Electoral Reforms Chairman Senator Imee Marcos na ‘valid’ o makatwiran ang ginawang batayan para sa pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Marcos, iginagalang niya ang naging desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional o labag sa batas ang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections sa Oktubre at siya ay susunod sa ‘separation of powers’ na umiiral sa sistema ng ating gobyerno.
Sa naging ruling ng Supreme Court, bagama’t nagpasya na labag sa batas ang election postponement ay kinikilala naman ng Kataas-taasang Hukuman ang legal practicality at pangangailangan na ituloy ang nakatakdang BSKE sa huling araw ng Lunes sa buwan ng Oktubre ng taong kasalukuyan.
Iginiit naman ni Sen. Marcos na ang kasalukuyang Barangay at SK officials ay nangangailangan ng sapat na panahon para maipatupad ang kanilang mga programa na naisantabi dahil sa pandemya.
Dagdag pa rito, napapanahon na rin aniya na palawigin pa ang termino ng mga barangay at SK officials ng anim na taon dahil sa dami at lawak ng kanilang trabaho ay hindi sapat ang tatlong taong termino.
Sinabi ni Sen. Marcos na mahalagang isaisip na ang mga barangay at SK officials ay hindi lamang tungkulin na ipatupad ang kanilang mga sariling proyekto at programa kundi pati na rin ang mga proyekto at programa ng local at national government.
Ang mga ito rin aniya ang inaatasan palagi na maging frontliners na nasaksihan naman nitong kasagsagan ng pandemya at sila ay pinagtiwalaan na gampanan ang mga tungkulin tulad ng pagtiyak sa kapakanan ng kanilang mga constituents, maging tagapamagitan sa mga away sa mga magkakapitbahay, at sila rin ang una at kung minsan ay sila lang din talaga ang mga rumeresponde sa mga panahon ng emergencies.
Kaugnay rito ay inihain ni Sen. Marcos noong nakaraang taon ang Senate Bill 1195 na layong gawing anim na taon ang termino ng mga barangay at SK officials at sa ganitong paraan aniya ay makakatipid pa ang pamahalaan ng multi-bilyong piso na ginagastos sa pagdaraos ng BSKE.