Sen. Lacson, ikinagalit ang implikasyon ng pambu-bully ng China sa ating food security

Nakakagalit at hindi katanggap-tanggap ang implikasyon ng patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS) na may direktang epekto sa ating food security.

Ito ang naging sentimyento na inihayag ni presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson sa kaniyang pagharap sa isang virtual Kapihan na dinaluhan ng mga miyembro ng shipping industry.

Kabilang sa mga implikasyon na tinukoy ni Lacson ang pag-i-import ng galunggong mula sa China, na karamihan naman ay galing din sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).


Diin ni Lacson, bukod sa national security, food security concern din ang apektado ng agresibong kilos ng China sa WPS.

Ipinaliwanag ni Lacson na dahil sa pananakot at harassment ng China, nawalan ng kakayahan ang ating mga mangingisda na makapangisda sa sarili nating katubigan.

Binanggit ni Lacson na base sa Philippine Statistics Authority (PSA), aabot sa 300,000 metric tons o 300 milyong kilo ng isda ang nakukuha mula sa WPS sa loob ng isang taon.

Sabi ni Lacson, kung kumukonsumo ng 40 kilong isda ang kada pamilyang Pilipino sa kada taon, umaabot sa 7.5 milyong pamilya ang pinagkaitan ng isda sa hapag-kainan sa isang taon.

Samantala, ngayong araw ay nakahanay ang mga aktibidad ni Senator Lacson at ka-tandem na si Senate President Tito Sotto sa Cavite.

Una rito ang Breakfast kasama ang mga opisyal ng Partido Reporna at local government ng General Trias, Tanza at Imus, Cavite.

Sa Tanza, Cavite ay makikipagtalakayan din sina Lacson at Sotto sa 300-500 tricycle drivers at TODA presidents, at mga kapitan ng barangay.

Magkakaroon din sina Lacson at Sotto ng courtesy call kay Bishop Rey Evangelista sa Imus.

Facebook Comments