Kumpyansa si Senator Mark Villar na sa taong 2024 ay mararamdaman na ang epekto ng bagong kapapasa pa lang na batas na Maharlika Investment Fund (MIF) Act.
Ayon kay Villar, ang may-akda at sponsor ng MIF Act sa Senado, katapusan ng 2023 ay matatapos na ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas at inaasahang magiging operational agad ito.
Sa lalong madaling panahon na maumpisahan aniya ang investment ng MIF ay posibleng maramdaman na ang epekto ng batas sa susunod na taon.
Aniya pa, bukod sa mga proyektong pangimprastraktura ay binanggit din ng pangulo ang pag-iinvest ng MIF sa information communications technology at agrikultura.
Dagdag pa ni Villar, napakaraming oportunidad para sa pamumuhunan ang bansa at tiwala siyang ang bubuo sa Maharlika board ay makakapili ng pinakamagagandang investments na malaki ang magiging pakinabang ng bansa.
Sinabi pa ng senador na malaking tulong ang MIF sa pagpapasigla ng ekonomiya at mabilis na pagbangon ng bansa mula sa naging epekto ng COVID pandemic.