Sen. Raffy Tulfo, nakikipag-ugnayan na sa panibagong kaso ng pananakit sa isang OFW sa kuwait

Nakikipag-ugnayan na si Migrant Workers Committee Chairman Senator Raffy Tulfo sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaugnay sa panibagong kaso na naman ng isang babaeng OFW sa Kuwait na pinagmalupitan ng kanyang amo.

Ang OFW na si Myla Balbag ay naparalisa matapos mahulog sa ikatlong palapag ng bahay ng kanyang amo nang magtangkang tumakas ito dahil sa pananakit.

Halos dalawang linggo pa lamang ang lumipas nang maiulat ang brutal na pagpaslang kay Jullebee Ranara, ang OFW sa Kuwait na pinatay naman ng anak ng kanyang amo.


Bunsod ng panibagong insidente ay muling nanawagan si Tulfo sa pamahalaan na ipatupad na ang deployment ban sa Kuwait.

Nanindigan si Tulfo na ang mungkahi niyang deployment ban sa Kuwait ay maaaring gamiting leverage kapag nakipag-bilateral talks ang Pilipinas sa Kuwait government.

Sakaling magkaroon ng bilateral talks ay nais ni Tulfo na mag-isyu ang Kuwait government ng public apology sa mga Pilipino, magkaroon ng pre-engagement orientation para sa mga dayuhang employer, pagsusumite ng police record at pagsasailalim sa psychiatric exam ng mga employer bago payagang mag-hire ng mga Filipino domestic worker.

Facebook Comments