Sen. Risa Hontiveros, hindi kumbinsido na privatization ang solusyon sa mga problema sa NAIA

Hindi bilib si Senator Risa Hontiveros na “privatization” ang solusyon sa mga problemang nararanasan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Matatandaang ilang opisyal ng pamahalaan at mga mambabatas ang nagpahayag ng suporta para sa pagsasapribado sa operasyon ng NAIA kasunod na rin sa nangyaring power outage sa paliparan noong Labor Day.

Giit ni Hontiveros, hindi “silver bullet” o hindi tamang reseta ang privatization para sa lumalalang problema ng palpak na serbisyo sa mga paliparan.


Punto ng senadora, ang isyu sa NAIA ay performance at accountability ng mga namamahala na siyang dapat na mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.

Aniya pa, hindi gaganda ang serbisyo sa NAIA kahit pribadong sektor ang magpatakbo rito kung wala namang reporma na mangyayari sa sistema ng pangangasiwa sa paliparan.

Binigyang diin ni Hontiveros na hindi ginagarantiya na kapag pumasok sa private sector ay magiging maayos ang serbisyo tulad na lamang ng nangyari sa pagsasapribado sa operasyon ng tubig, kuryente at rail system ng bansa.

Facebook Comments