Cauayan City, Isabela- Bumisita ngayong araw ng Linggo, Hulyo 11, 2021 sa Lalawigan ng Isabela si Senate President Vicente Sotto III bilang bahagi ng kanyang consultative meeting sa Luzon.
Unang bumisita si Sotto sa bayan ng Tumauini upang pangunahan ang unveiling ng bagong munisipyo ng nasabing bayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sen. Tito Sotto, masaya aniya siya sa kanyang pagbisita sa probinsya dahil muli nitong nakapanayam ang mga matataas na opisyal ng pamahalaang panlalawigan; mga local officials at lider ng ilang religious groups.
Bago aniya siya nagtungo sa bagong munisipyo ng Tumauini ay dumaan muna ito sa simbahan upang manalangin kung saan lagi aniya nitong ipinagdarasal ang kapayapaan ng bansa, matuldukan na ang nararanasang pandemya at magkaroon ng maayos na pamamahala ng gobyerno sa pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangang Pilipino.
Ayon pa kay Sotto, bahagi ng kanilang consultative meetings sa Luzon ni Senator Panfilo Lacson na makipag-ugnayan sa mga LGUs at religious groups upang makita ang kalagayan at malaman ang problema ng mamamayan bukod pa sa kasalukuyang problema sa pandemya.
Sa pamamagitan ng kanyang pagbisita, malalaman ani Sotto ang mga programa na akma at dapat nilang ilatag para masolusyunan ang hiling at hinaing ng taong bayan.
Kaugnay nito, naniniwala si Sen. Pres Sotto na magugustuhan ng taong bayan ang kanilang naiisip na programa na makakatulong sa maraming Pilipino lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.