Sen. Trillanes, itinanggi ang balitang kumikilos sya para hindi matuloy ang pagbisita ni US president Trump sa Pilipinas

Manila, Philippines – Mariing itinanggi ni Senator Antonio Trillanes IV na hinikayat niya ang mga mambabatas sa Amerika na pigilan ang nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas ngayong Nobyembre.

Katwiran ni Trillanes, ang nabanggit na schedule ng US president ay maingat na pinlano at hindi kayang hadlangan ng isang Philippine senator.

Kinumpirma naman ni Trillanes ang impormasyon na nakipagkita sya sa ilang senior US government officials kabilang si Senator Marco Rubio.


Ayon kay Trillanes, kabilang sa kanilang tinalakay ay kung paano mapabubuti ang RP-US relations, gayundin ang isyu ng korapsyon at paggalang sa karapatang pantao dito sa Pilipinas.

Diin ni Trillanes, taliwas sa nakagawian ng mga opisyal ng Duterte Administration, ay totoong impormasyon ang kanyang inilahad sa mga US officials dahil hindi naman aniya maaring lokohin ang mga ito na nakakaalam sa tunay na mga pangyayari sa ating bansa.

Tiniyak ni Trillanes na ang isinusulong niya ay para sa interes ng bayan.

Pero nilinaw ni Trillanes na ang interes ng bansa ay hindi kapareho sa mga interes ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments