Senado, humirit ng dayalogo sa Ombudsman kaugnay sa mungkahing pagbuwag sa ARTA

Umapela si Senate President Juan Miguel Zubiri kay Ombudsman Samuel Martires na magsagawa sila ng dayalogo kasunod na rin ng panawagan ng Ombudsman na buwagin na ang Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Matatandaan sa budget hearing ng Ombudsman sa Senado ay doon inihirit ni Martires na lusawin na ang ARTA dahil pinanghihimasukan na nito ang trabaho at kapangyarihan ng Ombudsman sa pagtukoy ng red tape at mga katiwalian sa pamahalaan.

Paliwanag ni Zubiri na may-akda ng batas na nag-aamyenda sa Ease of Doing Business Law na siyang lumikha ng ARTA, wala aniya sa plano ng nilikha ang batas na angkinin ang tungkulin at kapangyarihan ng Ombudsman.


Bukod dito, hindi tulad sa Ombudsman ay wala aniyang ‘prosecutorial powers’ ang ARTA.

Iginiit ni Zubiri na mataas ang kanilang respeto sa Ombudsman at malapit niya ring kaibigan si Martires.

Hiling ng Senate president na magkasa ng dayalogo sa pagitan ng mga authors at ng Ombudsman upang maipaliwanag ang pinanggalingan ng ARTA.

Facebook Comments