Iginagalang at kinikilala ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang naging desisyon ng Sandiganbayan sa mga kaso laban kay Senator Jinggoy Estrada.
Ito ang tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri matapos na magdesisyon ang Sandiganbayan 5th Division na ‘not guilty’ si Estrada sa kaso ng pandarambong nito kaugnay sa multi-billion peso pork barrel scam noong 2013 pero guilty naman sa mga kasong direct at indirect bribery.
Sinabi ni Zubiri na kinikilala ng Senado na mayroon pa ring remedyo na maaaring gawin si Estrada kaugnay sa desisyon ng korte sa kanyang mga kaso salig na rin sa mga umiiral na batas at sa rules of court.
Kabilang na aniya rito ang paghahain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan at paghahain ng ‘appeal by certiorari’ sa Korte Suprema.
Binigyang-diin pa ni Zubiri na ang desisyon ng Sandiganbayan ay hindi makakaapekto kay Estrada at mananatili itong senador ng bansa hangga’t hindi pa pinal at executory ang desisyon ng korte.