Inalis ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang ni-realign na pondo ng Kamara sa 2024 budget ng Department of Agriculture (DA).
Sa budget deliberation sa plenaryo ay nausisa ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang committee report ng Senado kung saan tinanggal ang inilipat na P22 billion sa Office of the Secretary (OSEC) ng DA.
Mula sa inaprubahang bersyon ng Kamara na P114 billion para sa OSEC ay ibinaba ito ng Senado sa P92.1 billion.
Ayon kay Senator Cynthia Villar, ang sponsor ng panukala ng DA sa plenaryo, masyadong mataas ang budget ng DA na ipinasa ng Kamara kaya isinaayos nila ito.
Kung tutuusin aniya, hindi naman talaga bumaba ang DA-OSEC budget sa 2024 dahil kung pagbabatayan ang 2023 General Appropriations Act ay nasa P85 billion lang ang pondo.
Sinabi ni Villar na partikular na tinanggal ng Senado ang realignment na ginawa ng Kamara para sa Agribusiness and Marketing Services (AMAS) na aabot sa P20 billion dahil hindi naman naipaliwanag kung papaano ito gagastusin kaya nagdesisyon na lang ang Mataas na Kapulungan na tanggalin ito.
Dagdag pa sa tinanggalan ng pondo ng Senado ang idinagdag na P40 billion na pondo sa National Irrigation Administration (NIA) ng Kamara.
Mula kasi sa P41 billion ay itinaas pa ng Mababang Kapulungan ang budget sa P81 billion pero hindi naman nakasaad o naipaliwanag kung paano ito gugugulin ng ahensya.