Senado, inirekomenda ang tuluyang pagpapalayas sa mga POGO sa bansa

Nakakuha ng sapat na suporta mula sa mga senador ang committee report ng isinagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Ways and Means patungkol sa mga pakinabang o benepisyo at perwisyong hatid ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Nakapaloob sa rekomendasyon ng Committee Report No. 136 ang tuluyan at agarang pagpapalayas ng mga POGO sa Pilipinas.

Nakasaad din sa report ang apela ng komite sa executive department na agad tugunan ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng agarang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga POGO.


Inaatasan dito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hanapan ng alternatibong trabaho ang mga Pilipinong maaapektuhan at mawawalan ng trabaho dahil sa POGO.

Hinihimok naman ang Bureau of Immigration (BI) na kanselahin at bawiin ang working visa na unang inisyu sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO industry at ang agad na pagpapatupad ng deportation sa mga ito salig sa immigration rules at regulations.

Ayon kay Senate Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian, ang rekomendasyon ng komite ay isang mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimeng nagmumula sa ilang kumpanya ng POGO.

Matatandaang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado patungkol sa mga krimeng kaakibat ng POGO at inabot ng ilang buwan bago naglabas ng kanilang rekomendasyon ang komite at nagkasundong imungkahi ang tuluyang pagpapalayas sa mga POGO sa bansa.

Facebook Comments