Asahang sa Disyembre o bago matapos ang 2022 ay maglalabas na ang Senado ng rekomendasyon kung tuluyan na bang paaalisin sa bansa o pananatilihin pa ang mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Sinabi ni Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian na ngayong darating na Miyerkules ay magpapatawag siya para sa ikatlo at huling pagdinig ukol sa isyu sa mga POGO.
Pagkatapos nito ay maghaharap na ang komite ng report na maglalaman ng rekomendasyon sa kahihinatnan ng POGO sa bansa.
Sa mga nakalipas na pagdinig ng komite ay nagpahayag si Gatchalian at ang ilan pang senador na napapanahon na para palayasin sa bansa ang mga POGO kahit pa sinasabing malaki ang kontribusyon nito sa buwis at mga industriyang konektado sa POGO.
Nababahala kasi ang mga senador na mas malaki ang negatibong epekto nito sa bansa matapos na maging ugat ng prostitusyon, human trafficking, kidnapping, abduction, suhulan sa gobyerno at iba pang krimen ang POGO.
Hindi rin kumbinsido si Gatchalian na simula nang imbestigahan ng Senado ay natigil ang mga POGO-related crimes sa bansa dahil posibleng temporary lang ang pagtahimik ng industriya hanggat walang naibabang pinal na desisyon ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.