Pinagaaralan ng Senado ang pagsasampa ng petisyon sa Korte Suprema o kaya ay sa Commission on Elections (COMELEC) upang patigilin ang COMELEC sa pagtanggap ng mga lagda kaugnay sa People’s Initiative ng Charter change (Cha-cha).
Giit ni Pimentel, dapat nang tumigil ang COMELEC sa pagtanggap ng mga lagda sa ilalim ng sinasabi nilang ministerial duty.
Aniya, maaari silang maghain ng petisyon direkta sa COMELEC para hilingin sa komisyon na itigil ang kanilang ginagawa o kaya ay petisyon sa Supreme Court para ipagbawal ang COMELEC sa patuloy na pagtanggap ng mga lagda.
Nagtataka si Pimentel kung bakit sinasabi ng COMELEC na bahagi ng kanilang “ministerial duty” ang pagtanggap ng lagda sa pag-amyenda sa Konstitusyon gayong hindi alam kung saan galing ang mga pirma at hindi rin batid ng komisyon kung para kanino ang obligasyon at purpose ng duty na ito.
Sa ngayon, ay magdaraos pa sila ng planning sessions sa darating na weekend at finishing touches na lamang ang kulang sa kanilang petisyon.
Naunang kinuwestyon ng mga senador kung bakit dalawa ang paraan ng Cha-cha na itinutulak ng mga kongresista kung saan isa ay People’s Initiative at isa ay Constituent Assembly kaya naniniwala ang Senado na “bad faith” ang hakbang na ito.