Manila, Philippines – Naiintindihan ni Senator Sherwin Gatchalian ang pag-aalala ng Malakanyang sa pagka-delay ng pagpasa sa panukalang budget para sa kasalukuyang taon.
Katulad nina Senate President Tito Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ay kaisa si Gatchalian sa pagtiyak na sisikapin nilang maipasa agad ang proposed budget sa oras na bumalik na ang session sa January 14.
Sa kabila ng pagmamadali ay iginiit ni Gatchalian, na masusi pa rin nilang bubusisiin ang pambansang budget para matiyak na maaalis ang mga lump sums appropriations o umano ay mga pork barrel na nakasiksik dito.
Diin naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, mas mainam na ma-delay ang pambansang budget sa halip na maipasa ito agad na punung puno ng pork barrel.
Paliwanag pa ni Lacson, bahagi ng kanilang tungkulin na bantayan ang pambansang budget upang matiyak na nagagamit ito ng tama at hindi mapupunta sa bulsa ng mga tiwali ang pera ng taumbayan.