Senado, tiniyak ang patuloy na pagsusulong sa dagdag na sahod

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at sa lahat ng mga manggagawa  sa bansa na kaisa ang Senado sa pagsusulong at paglaban para sa sapat na sahod.

Ang reaksyon ng senador ay kasunod ng paghahayag ng TUCP ng suporta sa inihaing panukala ni Zubiri na dagdag na P150 sa arawang minimum na sahod ng mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.

Nagpasalamat si Zubiri sa suportang ibinigay ng TUCP sa panukala kasabay ng pangako nito na patuloy na igigiit ang dagdag na sahod para sa lahat ng mga manggagawa.


Muli namang kinontra ni Zubiri ang pangamba ng mga negosyante na posibleng maraming negosyo ang mapilitang magsara o kaya naman ay magbabawas ng mga empleyado kapag ipinilit ang isinusulong na dagdag na sahod.

Giit dito ni Zubiri, dalawa lamang ang pagpipilian ng mga business sector, ito ay itaas ang sweldo ng mga manggagawa o panoorin na lamang silang mangibang bansa para sa mas magandang kita.

Punto pa ni Zubiri, hindi pwedeng gipitin ang mga manggagawa dahil sila ang nagpapagalaw ng mga industriya at kung wala sila ay tiyak na babagsak ang mga industriya at ang ekonomiya.

Facebook Comments