Umaasa si Senate President Francis Escudero na pinal na ang desisyon ng pamahalaan na ibalik sa dati ang school calendar sa mga paaralan.
Ayon kay Escudero, binago noon ang petsa ng pasukan ng mga estudyante dahil naging malaking problema ang madalas na suspensyon ng klase dahil sa mga pagbaha tuwing malakas ang ulan o may bagyo.
Ngayon aniya ay babalik muli sa dating school calendar kaya sana ay ikinonsidera ang inaasahang pagpasok naman ng La Niña.
Sinabi pa ni Escudero na kung tutuusin ay kaya naman sana panindigan ang kasalukuyang school calendar lalo’t natuto naman aniya tayo sa mga aral ng nagdaang pandemya.
Giit ng senador, bumagyo man o sobrang init ay hindi kailangang suspendihin ang klase dahil noong pandemya kahit walang klase ay nagsagawa ng klase at naitawid naman ang pag-aaral ng mga estudyante dahil sa modular at virtual lessons na maaaring i-apply pa rin sa kasalukuyang education system.