
Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na utay-utayin ang ipatutupad na dagdag na singil sa kuryente sa mga consumers.
Bukod sa panahon ng tag-init na malakas ang kunsumo sa kuryente, apektado ng pagtaas ng singil sa kuryente ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa gulo sa Middle East.
Pakiusap ni Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Committee on Energy, gawing staggered o utay-utay ang dagdag na singil sa kuryente ng ERC upang maprotektahan ang mga consumers sa matinding financial distress.
Dapat aniyang bantayang mabuti ng ERC ang electricity rates at ipagbawal ang one-time na malaking singil sa kuryente.
Paalala ni Gatchalian, ang sektor ng kuryente ay isang regulated industry at trabaho ng ERC na tumulong na pagaanin sa anumang paraan ang pasanin ng mga kababayan.










