
Tinalakay sa plenaryo ng Senado ang panganib na maipasa ng mga politikong may mistress o girlfriend o karelasyon ang impluwensya o kapangyarihan sa politika sa gitna na rin ng debate ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Ipinunto ni Senate President Tito Sotto III ang butas na maaaring maging panganib dahil sa ilalim ng panukala ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagtakbo ng mga legal na asawa, anak at kamaganak hanggang second degree of consanguinity and affinity pero ang sa usapin ng mga may mistress o girlfriend ay posible at pwedeng tumakbo dahil hindi sakop ang mga ito.
Pinangangambahan ng senador na mangyari ay bawal kumandidato ang mga legal na pamilya pero pwedeng pumalit sa kanila, halimbawa ng mayor ang kanyang karelasyon, magulang o kapatid ng karelasyon at kahit anak sa ibang lalaki ng karelasyon.
Sadyang magiging unfair aniya ito sa mga legal na asawa at anak.
Sa kabilang banda, ang mga mistress o girlfriend na lantarang ipinapakilala, kasama sa bahay kahit hindi kasal at kahit ang mga magkapareho ang kasarian at ipinapakilala sa publiko na karelasyon ay kasama sa saklaw ng Anti-Political Dynasty Bill.
Paliwanag ni Senator Risa Hontiveros na siyang sponsor at nagdepensa sa panukala, hindi sakop ng panukala na pagbawalang kumandidato sa gobyerno ang mga karelasyon dahil hindi sila pasok sa kahulugan ng kaanak hanggang sa second degree.
Gayunman, nangako si Hontiveros na pag-aaralan ang mga inilatag na sitwasyon ni Sotto.










