Hinikayat ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino na gamitin na ang natitirang COVID-19 vaccines na binili ng pamahalaan para sa second booster ng general population.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa ‘non-disclosure agreement’ na pinasok ng gobyerno sa mga vaccine suppliers, iminungkahi ni Tolentino na gamitin na lamang ang mga natitirang bakuna para sa second booster upang hindi tuluyang masayang.
Sa palagay ni Tolentino, marami aniyang nabakunahan ng first booster ang gusto na ring magpaturok ng second booster.
Naniniwala pa ang senador na walang masasayang na bakuna kung maagapan ang paggamit dito.
Binigyang-diin ni Tolentino ang naging paliwanag ng World Health Organization (WHO) tungkol sa second booster na ito ay makakatulong para madagdagan pa ang proteksyon laban sa COVID-19 at maaaring mag-second booster na rin para maiwasan ang pagkasayang ng mga bakuna.
Nanindigan naman si Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na kinakailangan pa ng mas maraming patunay bago irekomenda ang implementasyon ng second booster sa buong populasyon ng bansa.