
Tiwala si Senator Risa Hontiveros sa paglakas pa ng tunay na oposisyon sa Kongreso.
Ito’y matapos makapasok sa Top 5 ng senatorial race sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan habang nanguna naman sa party-lists ang Akbayan ni Atty. Chel Diokno at pasok din ang Mamamayang Liberal Partylist (ML) ni dating Senator Leila de Lima.
Ayon kay Hontiveros, hindi lang ito simpleng “comeback” o pagbabalik ng mga nabanggit na matagal ding nawala sa Kongreso.
Patunay lamang aniya na ang katatapos na halalan ay sumasalamin sa hangad ng mga Pilipino ng isang pamahalaang may puso, may prinsipyo at may tapang na manindigan.
Naniniwala si Hontiveros na ang lahat ng ito ay bunga ng tiwala at pagkilos ng taumbayan at pangangailangan na magkaroon ng boses ng taumbayan ang Kongreso.
Tiniyak ng senadora na sa susunod na Kongreso ay itataguyod nila ang mga hinaing ng taumbayan para sa pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo ng bilihin, abot-kamay na edukasyon at pagpapanagot sa mga tiwali sa kapangyarihan.









