Wednesday, March 4, 2026

Senador, mas pabor na unahin ang suspensyon o pagbawas sa fuel excise tax; isa namang senador, isinusulong ang bawas sa VAT ng langis

Iginiit ni Senator JV Ejercito na mas dapat na unahin ang hiling ni Pangulong Bongbong Marcos sa Kongreso na bigyan siya ng kapangyarihan na suspendihin o tapyasan ang excise taxes sa oil at petroleum products.

Sa gitna na rin ito ng pahayag ng Palasyo ng Malakanyang na pag-aaralan ni Pangulong Marcos Jr. ang panukalang four-day work week para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sakaling tumindi ang tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon kay Ejercito, kung ang four-day work week ay inirekomenda ng mga ahensya at mga economic managers at kung ito naman ay feasible ay pwede naman itong ipatupad lalo’t kailangan din nating magtipid ngayon.

Pero kung ang senador ang tatanungin, mas mabuting unahin na bigyan ng kapangyarihan ang pangulo na magsuspindi o magbawas ng fuel excise tax upang makatulong sa mga pumapasan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at langis.

Samantala, kung si Senator Imee Marcos naman ang tatanungin, mas pabor siyang unahin na muna ang pagtapyas sa value added tax o VAT sa mga produktong petrolyo.

Paliwanag ni Sen. Marcos, ang VAT collection ay hindi man kasing laki ng nakokolekta sa excise tax pero ito naman ay maaaring mabawi sa ibang kita ng pamahalaan.

Facebook Comments