Nagpaalala si Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada sa mga militar na manatiling tapat sa bandila ng Pilipinas.
Ito ang paalala ng senador kasunod ng sinasabing “new model” na napagkasunduan ng gobyerno at ng China para sa gagawing resupply mission sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea (WPS).
Batay pa sa claim ng China ay nakausap nila ang chief ng AFP Western Command na sumasang-ayon sa nasabing “new model”.
Sinabi ni Estrada sa mga servicemen at women ng bansa na manatiling tapat sa ating bandila na sumisimbolo ng soberenya ng bansa.
Pinayuhan din niya ang mga militar na manatiling alerto sa anumang estratehiyang gagawin ng China na maaaring magpahina sa ating posisyon gayundin ang panatilihing matatag ang ating depensa sa ating teritoryo lalo’t ang kalakasan ng bansa ay nakasalalay sa ating pagkakaisa.
Naniniwala ang mambabatas na ang pinalalabas na napagkasunduang “new model” ay isang “trap” o bitag para mailihis ang atensyon sa mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.