Senador, nakiusap sa mga kampo ni PBBM at dating PRRD na tigilan na ang patutsadahan at iringan

Umapela si Senator Sonny Angara sa kampo ni Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulong Rodrigo Duterte na mag-ceasefire o tigilan na muna ang palitan ng mga patutsadahan at iringan.

Kaugnay ito sa alegasyon na may destabilization plot ang kampo ng Duterte laban sa Marcos Administration habang pinagaaralan naman ng Department of Justice ang gagawin sakaling magisyu ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa iba pang isinasangkot sa madugong war on drugs.

Puna ni Angara, ang atensyon ngayon ay napupunta sa batuhan ng dalawang kampo sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga mahahalagang isyu ng taumbayan tulad ng inflation at national security.


Giit ng senador, hindi nakakatulong sa bansa ang ginagawang sagutan ng bawat kampo.

Binigyang diin ni Angara na matuto na sila sa leksyon ng kasaysayan at isantabi ang pulitika lalo sa sitwasyon ngayon na humaharap din sa external threat ang bansa.

Nanawagan si Angara na tigilan na ang isyu ng destabilisasyon at suportahan na lamang si Pangulong Marcos laban sa iisang kalaban ng bansa.

Facebook Comments