
Umaapela si Sen. Loren Legarda na agad aprubahan ang dalawang panukalang batas na mag-e-exempt sa mga pangunahing bilihin, serbisyo, at gamot mula sa value-added tax (VAT).
Ito ay ang Senate Bill No. 1851 o Differentiated Value-Added Tax Rates Act, at Senate Bill No. 1857 o Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, na parehong inihain at isinusulong ng senadora.
Layunin ng mga panukala na magpatupad ng mas makatarungang VAT system sa bansa upang mapababa ang presyo ng bilihin at serbisyo at mabigyan ng kaluwagan ang mga pamilyang mababa ang kita.
Sa ilalim ng Senate Bill 1851, ibababa sa 10 % ang VAT para sa mga produktong at serbisyong karaniwang ginagamit ng mga mahihirap at ng mga Pilipinong kabilang sa middle class.
Hindi naman kasama sa pagbawas ng VAT ang mga premium at luxury good, gayundin ang mga produktong may panganib sa kapaligiran.
Samantala, sa ilalim ng Senate Bill 1857, tuluyang aalisin ang VAT sa ilang produkto at serbisyong may kaugnayan sa pang-araw-araw na pangangailangan at kalusugan ng publiko.
Kabilang dito ang staple food, household essentials, serbisyong medikal tulad ng checkup, over-the-counter na mga gamot, at mahahalagang first-aid supplies.
Isinusulong din ng senadora ang pagpapalawak ng VAT exemption sa basic household electricity sa loob ng itinakdang limitasyon, pati sa basic internet access, at ang pagtatakda ng makatwirang threshold sa konsumo ng kuryente at tubig sa mga tahanan.










