Pinamamadali na rin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa gobyerno ang pag-aaral sa mga panukalang batas para sa wage adjustments at iba pang panukala na makapagpapagaan sa buhay ng mga manggagawa.
Sa Labor Day message ng senador, binigyang-diin ni Villanueva na nararapat lamang na tumbasan ng aksyon ng gobyerno ang mahirap na sitwasyon ng mga manggagawa na pilit pinagkakasya ang sahod sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ipinunto ng senador na mahalagang mapag-aralan sa lalong madaling panahon ng Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA) ang tamang pamantayan para matukoy ang angkop at makatwiran na living wage para sa mga manggagawa.
Hinimok din ni Villanueva ang gobyerno na makalikha ng maraming disenteng trabaho at tuluyang tuldukan ang matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawa na ENDO sa parehong pampubliko at pribadong sektor.
Itinutulak din ng mambabatas ang pagkakaroon ng trabaho para sa bayan na layong makabuo ng komprehensibong plano para sa labor and employment na may kaakibat na pagsuporta sa mga malilit na negosyo.