Senador, umaasang agad na maipapasa ang panukalang amyenda sa Animal Welfare Act dahil sa malakas na suporta rito ng publiko

Umaasa si Senator Grace Poe na makatutulong ang malakas na suporta ng publiko para sa agarang pag-apruba ng panukala na magbibigay ng higit na proteksyon sa mga hayop.

Ang pahayag na ito ng senadora ay kasunod ng panibagong kaso ng pagmamalupit sa mga hayop kung saan matapos ang marahas na pagpatay sa asong si Killua sa Camarines Sur, dalawang Shih Tzu naman ang pinutulan ng tenga ng hindi pa natutukoy na salarin sa Albay.

Ayon kay Poe, nakalulungkot na makarinig na naman ng panibagong kaso ng pangto-torture, pagmamaltrato at pagpapabaya sa mga hayop matapos na maisulong kamakailan sa Senado ang panukalang pagamyenda sa Animal Welfare Act.


Malaki ang tiwala ni Poe na sa lakas ng suporta na natatanggap ng Kongreso mula sa publiko ay agad na maipapasa ang panukalang magbibigay ng mas mabigat na parusa laban sa mga magmamaltrato at magpapabaya sa mga alagang hayop.

Sinabi pa ng senadora na ikinalulugod nila ang pangako ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipa-prayoridad ang pag-apruba sa isinusulong na panukalang amendment sa Animal Welfare Act.

Facebook Comments