Thursday, March 12, 2026

Senador, umapela na huwag nang maulit sa ibang Pilipino ang nangyari kay FPRRD

Iginiit ni Christopher ‘Bong’ Go na hindi na dapat maulit sa ibang Pilipino ang dinanas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto at dinala sa ibang bansa upang ikulong.

Sa kanyang privilege speech, kasabay ng isang taong anibersaryo ng pagdala at pagpapakulong kay Duterte sa International Criminal Court (ICC), sinabi ni Go na dapat tiyakin na walang Pilipinong makakaranas ng pagsasantabi sa legal na proseso na nagsisilbing proteksyon ng bawat mamamayan.

Binigyang-diin ng senador na higit pa sa sinumang personalidad ang usapin, dahil nakataya umano rito ang soberanya ng bansa, judicial independence, at dignidad ng bawat Pilipino.

Muling binalikan ni Go ang March 11, 2025, na aniya’y isa sa pinakamalungkot na araw sa kasaysayan ng bansa.

Sa kabila umano ng ipinakitang katatagan at katapangan ni Duterte, sinabi ng senador na batid ng marami na matanda na, mahina, at may iniindang karamdaman ang dating pangulo.

Sa March 28, magdiriwang ng ika-81 kaarawan si Duterte habang patuloy na humaharap sa mga kasong isinampa laban sa kanya sa ICC.

Facebook Comments