Senate leadership, nanindigang hindi sila magdaraos ng impeachment trial sa gitna ng session break

Naninindigan pa rin si Senate President Chiz Escudero na hindi sila maaaring magdaos ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong naka-recess o break at walang sesyon ang Kongreso.

Sa kabila ito ng mungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na pwedeng magsagawa ng sariling special session ang Senado para mag-convene ang impeachment court na hindi na kailangang ipatawag ng pangulo.

Sinabi ni Escudero na bago sa kanya ang opsyon na ito sabay giit na hindi maaaring mag-special session ang Senado na sila-sila lang at mayroong proseso at basehan na dapat sundin.

Ang posibilidad na magpatawag siya ng caucus ay hindi rin masasabing special session at bawal ang mag-convene bilang impeachment court habang naka-recess ang sesyon.

Binigyang-diin ni Escudero na ang susundin ng Senado ay ang Konstitusyon at ang tingin nila ay tama at hindi ang posisyon ng sinumang partisano.

Facebook Comments