Senate President Juan Miguel Zubiri, handang bumaba sa pwesto

Handa si Senate President Juan Miguel Zubiri na bumaba sa kanyang pwesto bilang lider ng Mataas na Kapulungan kung hihilingin ng kanyang mga kasamang mambabatas.

Ito ang reaksyon ni Zubiri matapos lumabas ang isang artikulo sa online na nanganganib siyang mapalitan dahil sa mababang output at kawalan ng productivity sa mga isinusulong na priority legislative measures ng pamahalaan.

Ayon kay Zubiri, nagsisilbi siyang Senate president sa ilalim na rin ng kagustuhan ng kanyang mga kasamang senador.


Sakali namang mayroong 13 boto para maghalal ng bagong Senate president ay handa naman aniya siyang bumaba sa pwesto.

Pero giit ni Zubiri, tsismis na basura sa tabloid lang ang intrigang papalitan na siya.

Ang artikulo aniya ay kagagawan lang ng kathang isip ng mga taong bagot at walang magawa.

Katunayan aniya, wala namang pag-uusap na magkakaroon ng pagbabago sa liderato at wala ring isyu tungkol sa mababang output ng Senado.

Una aniya sa lahat, maingat nilang pinag-aaralan sa Senado ang bawat panukalang batas at masusi nilang pinagdedebatehan para mapaghusay ang bubuuhing lehislasyon.

Pagdidiin pa ni Zubiri, ang Senado ngayon ay hindi kasi isang rubber stamp institution.

Inihalimbawa pa ni Zubiri ang delay na nangyari sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na dahil sa kawalan ng suporta mula sa dapat na main sponsor ng Committee on Foreign Relations ay siya na ang umako at nag-sponsor ng panukala sa plenaryo para maratipikahan ito sa kabila ng pagtutol ng ilang mga sektor at grupo.

Facebook Comments