Senate President Juan Miguel Zubiri, itinanggi na may tampering na ginawa sa MIF Bill

Nilinaw at itinanggi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang akusasyon na may ginawang tampering o binago sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Senado, iginiit ni Zubiri na ang kanyang nilagdaan na MIF Bill ay ang tunay na repleksyon ng intensyon ng mga myembro ng Senado na siyang makikita sa transcript of records noong inaprubahan sa floor ang panukalang batas.

Sinabi ni Zubiri na ang ibinibintang na dinoktor ang Maharlika Bill ay ‘honest oversight’ ng mga staff sabay giit na walang malisya at walang masamang intensyon ang pagkakamali dahil halos wala silang tulog nang matapos ang sesyon ng pasado alas-dos ng madaling araw kaya mayroong nakaligtaang alisin.


Ang sinasabing errors ay ang Sections 50 at 51 na may magkaibang prescriptive period para sa paghahabol sa mga sasampahan ng kaso ng mga lalabag, oras na ito ay maisabatas.

Paliwanag ni Zubiri, batay sa kanilang transcript of records, sampung taon ang kanilang inaprubahan na prescriptive period at tinanggihan ni Senator Mark Villar na sponsor ng panukala ang 20 taon na prescriptive period na unang inirekomenda ni Senator Risa Hontiveros.

Malinaw din aniyang sinabi sa sesyon na bilang presiding officer ay subject to style ang mga inamyendahan na ibig sabihin, pwedeng ayusin ang grammar, tuldok at kuwit.

Wala rin aniya silang clean copy ng bill dahil nang aprubahan ang Maharlika Investment Fund Bill ay diretso agad sila sa ikatlo at huling pagbasa matapos ang approval ng second reading at iginiit na pwede itong gawin dahil certified as urgent naman ito ng presidente.

Facebook Comments