Aminado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na isa siya sa mga senador na nakukwestyon ang decorum sa mga Senate hearings.
Kaugnay na rin ito ng utos ni Senate President Juan Miguel Zubiri na i-review ang proper decorum ng mga Senador kasunod ng pagpuna ng publiko sa pagsusuklay ng bigote ni Senator Robin Padilla at ang pagsasalita ng hindi maganda at pagmumura ng ilang mambabatas sa gitna ng mga pagdinig.
Ayon kay Dela Rosa, isa siya sa mga senador na ‘guilty’ na nakakapagsalita ng hindi maganda sa pagdinig at aminado siya sa sarili na ‘very unparliamentary’ ito.
Nilinaw naman ng senador na hindi ito sadya at kapag nasa gitna ng matinding emosyon at pagtatalo sa mga committee hearings ay nakakapagsalita sila ng hindi maganda.
May ilan din aniyang senador ang mas mabigat pa ang nabibitawang salita pero dahil sa matindi talaga ang emosyon ay hindi masisi na nadala sila sa mga nagaganap.
Magkagayunman, dapat aniya na matuto ang mga senador na paalalahanan ang mga sarili sa tamang asal at kilos sa Mataas na Kapulungan at ang mga ganitong paalala ay magsisilbi namang learning process sa kanilang mga senador.