Nagkasagutan sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Andrea Domingo sa pagdinig ng Senado ukol sa pagkawala ng 34 na mga sabungero na konektado sa E-sabong.
Magugunitang inihayag ni Dela Rosa na sinabi sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsang-ayon sa resolusyon ng Senado na nagpapahinto sa operasyon ng E-sabong hangga’t hindi nareresolba ang pagkawala ng mga sabungero.
Pero ayon kay Domingo, sinabi sa kaniya ni Executive Secretary Salvador Medialdea na walang ganung pahayag ang pangulo.
Dahil dito ay nairita si Dela Rosa at pumalag na tila pinapalabas siyang sinungaling gayong nakausap niya mismo ang pangulo.
Bunsod nito ay nangako si Domingo na magtutungo sa Malakanyang upang linawin ang mabanggit na deriktiba ng Pangulo ukol sa pagpapasuspinde sa operasyon ng E-sabong.
Bukod dito ay sinita din ni Dela Rosa ang pahayag ni Domingo na responsibilidad ng law enforcement agency ang pagkawala ng mga sabungero.
Katwiran ni Dela Rosa, ang PAGCOR ang may hurisdiksyon sa pagpapatuloy ng operasyon ng sabong kaya hindi nito dapat ipasa sa law enforcement agency ang problema.
Dinagdag naman ni Domingo na hindi nila maaaring basta na lang ipatigil ang operasyon ng online sabong dahil posibleng managot sila sa Commission on Audit at sa korte.